Suspek sa OFW slay sa Kuwait pinatay din Pinay GF – Tulfo

Map of Kuwait.
Google Maps

MANILA, Philippines — Suspek din sa pagpatay sa kanyang Filipina girlfriend ang itinuturong pumaslang sa OFW na natagpuang naaagnas na ang katawan sa bakuran ng isang bahay sa Kuwait.

Kinilala ang biktima na si Dafnie Mates Nacalaban, 35, base sa report na natanggap ni Sen. Raffy Tulfo sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, dalawang buwan nang nawawala si Dafnie nang matagpuan ang kanyang bangkay ng Kuwaiti authorities. Ang itinuturong suspek sa pagkamatay ay si Jarrah Jassem Abdulghani, na diumano’y pinatay rin ang Pinay girlfriend nito ilang buwan lamang ang nakakaraan.

Ang nakababatang kapatid ng akusado na kasama niya sa bahay ang nag-report sa kapulisan noong Disyembre 28, 2024 ng pagpatay kay Dafnie dahilan para mahanap ang bangkay nito sa bahay ni Jarrah.

Si Dafnie ay nadeploy sa Kuwait noong December 2019 at natapos ang kontrata niya sa huli niyang employer on record na si Fawaz Satarn Muhawish Alduways noong October16 2024. Patuloy na iniimbestigahan ng Migrant Workers Office sa Kuwait ang dahilan ng kanyang pagkamatay, ang relasyon niya kay Jarrah at kung amo nga ba niya talaga ito.

Sinabi ni Tulfo na ayon sa kinakasama ni Dafnie sa Pilipinas na si Bonifacio Balucos Jr., tatlong buwan na ang nakakalipas noong huli niyang nakausap si Dafnie at humingi siya ng tulong sa tanggapan niya kamakalawa, Enero 2.

Sinabi ni Tulfo na ang pangyaya­ring ito ay isang paalala rin sa DMW, OWWA at related government agencies na mahigpit na ipatupad ang periodic monitoring ng OFWs lalo na sa mga nakabase sa Middle East na madalas nagiging biktima ng mga pisikal na pang-aabuso mula sa kanilang mga amo.

Show comments