MANILA, Philippines — Inaasahang sasalubungin ng ika-apat na reklamong impeachment si Vice President Sara Duterte sa ikalawang linggo ng Enero ng taong 2025 sa pagbabalik muli ng sesyon ng Kongreso matapos ang bakasyon nitong kapaskuhan.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, ang tatlong impeachment na inihain laban kay VP Sara ay isusumite pa lamang sa House Committee on Justice dahilan maaring hinihintay pa ni House Secretary General Reginald Velasco ang ikaapat na impeachment laban sa ikalawang mataas na lider ng bansa.
Ang Kongreso ay nakatakdang magbalik sesyon sa Enero 14 ng taong ito kung saan maaring ihain ang ikaapat na impeachment laban kay VP Sara kaugnay ng hindi umano wastong paggamit ng confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan nito na umaabot sa P612.5 milyon simula noong huling bahagi ng 2022 at ikatlong quarter ng 2023.
Nabatid na hindi pa isinusumite ni Velasco sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Romualdez ang ikaapat na impeachment dahilan nirerebyu pa ng House Legal Department ang merito ng nasabing mga kaso.
Sa ilalim ng Saligang Batas ay may mandato ito para isumite ng House Secretary General ang impeachment sa tanggapan ng House Speaker sa loob ng 10 araw ng sesyon matapos itong matanggap at dapat isama sa “Order of Business”.
Samantalang may tatlong araw ng sesyon naman para maipadala ito sa House Committee on Justice na siya namang magdedetermina kung may sapat na basehan ang reklamo para aksiyunan ito. Kasunod nito ay may 60 araw na sesyon para isumite ng komite ang report sa plenaryo at 10 sesyon naman para maikalendaryo ng Kamara ang resolusyon para dito.
Sa kabila ng paparating na ang midterm election, sinabi ni Castro na may sapat na oras pa para maisulong ang impeachment laban kay VP Sara. Idinagdag pa nito na ilang miyembro ng Minorya sa Kamara ang sumuporta na sa signature drive na inilunsad ng Makabayan coalition na naglalayong makakalap ng 1/3 na boto o 106 miyembro ng Kamara para maisulong ang impeachment upang mapabilis ang proseso ng impeachment.