MANILA, Philippines — Naantala ng higit isang taon at kalahati o nasa 555 araw ang pagtatapos ng mga itinatayong silid-aralan ng Department of Education sa mga malalayo at liblib na lugar.
Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), 76 school facilities sa bansa na matatagpuan sa remote areas ang nakatiwangwang at hindi pa natatapos ng DepEd na may P1.4 bilyong halaga sa ilalim ng Last Mile School projects ng ahensiya.
Sinabi pa ng COA, 22 lamang sa 98 school facilities sa ilalim ng Last Mile Schools Program (LMSP) na itinayo ng DepEd’s main office ang natapos noong 2023 kahit ang proyekto ay nai-award noong 2021 at nakuha na ang mobilization fees na P211.2 milyon.
Anang COA, dapat sana ay natapos na sa loob ng 150 calendar days ang pagtatayo ng silid-aralan o hindi lalampas sa May 31, 2022.
Sinasabing ang isang contractor ng proyekto na may halagang P327.8 milyon ay hindi na matagpuan.
Ikinatwiran naman ng DepEd na ang delays sa pagtatapos sa proyekto ay dahil sa COVID-19 restrictions noong ginagawa ang proyekto at ang mga pagbaha, landslides at ang oposisyon ng komunidad sa panahon ng konstruksyon.
Niliwanag naman ng COA na dapat ay gumawa ng mga remedial measures upang matapos ang proyekto sa tamang panahon.
“The delays of 555 days as of December 31, 2023, is of paramount concern, as the learners from far-flung communities were denied access to quality education and did not benefit from the project’s target that no learner is left behind,” sabi pa ng COA.