MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Philippine Volcanology ang Seismology (Phivolcs) ang mga residente malapit sa paligid ng Bulkang Mayon na maging mapagmasid at maghanda sa inaasahang pagdaloy ng lahar mula sa dalisdis ng bulkan na sanhi nang inaasahang patuloy na pag-ulan sa Bicol region.
Ang pahayag ay ginawa nang Phivolcs nang iulat ng PAGASA na patuloy na uulanin ang Southern Luzon kasama ang Bicol Region dulot ng shear line weather system o ang pagsasalubong ng malamig at mainit na hangin.
Ayon sa Phivolcs, dulot nang inaasahang patuloy na pag-ulan sa Southern Luzon laluna sa Bicol, inaasahan din ang pagdaloy ng lahar na mula sa naiwang deposito ng mga kolumpon ng putik sa naganap na pagsabog ng bulkan noong January hanggang March 2018.
Ang dadaloy na lahar ay babagsak sa mga watershed areas ng Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud Channels malapit sa bulkan at babagsak sa mga ilog at drainage sa Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, Bulawan, Basud, at Bulawan Channels sa lalawigan ng Albay.
Pinayo rin ng Phivolcs sa mga komunidad at sa local government units ng nabanggit na mga lugar na patuloy na subaybayan ang kundisyon ng panahon at magsagawa ng pre-emptive response measures para sa kanilang kaligtasan mula sa patuloy na pananalasa ng shear line weather system.