MANILA, Philippines — Naghain si Senior Citizens Party-List Rep. Rodolfo Ordanes ng isang resolusyon na imbestigahan ang hindi tamang pagpapatupad ng senior citizen at persons with disabilities (PWD) discounts ng Grab at iba pang ride-hailing at food delivery companies.
Sa kanyang House Resolution No. 2134, nais ding tingnan ni Ordanes ang mga alegasyong pinapasagot umano ng Grab at iba pang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) sa kanilang mga driver ang 20 porsiyentong diskwento sa senior citizens at PWDs.
Ayon kay Ordanes, malinaw na paglabag ito sa mga polisiya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa pagdinig ng Committee on Public Services, kinumpirma ni Gregorio Ramon Tingson, Head of Public Affairs ng Grab, na ang kanilang mga driver ang pumapasan sa 20% diskwento para sa mga PWD, senior citizens, at estudyante.
“Alinsunod po kasi sa batas, ang driver po,” pahayag ni Tingson, na tumutukoy sa Memorandum Circular 2018-004 na inilabas ng LTFRB.
Ngunit kinontra ito ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz sa pagsasabing dapat sagutin ng Transportation Network Companies (TNCs) ang 20 porsiyentong diskwento base sa probisyong nakasaad sa kanilang prangkisa.
Ayon kay Guadiz, magsasagawa ang LTFRB ng imbestigasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng pahayag mula sa mga Grab driver at paliwanag mula sa Grab tungkol sa nasabing gawain.
Aniya, kung mapatunayan ang mga paglabag, maaaring kanselahin ang prangkisa ng Grab.