Kudeta sa Senado umugong
MANILA, Philippines — Bago pa man madala sa Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, umugong na papalitan si Sen. Chiz Escudero ni Sen. Cynthia Villar bilang lider ng Senado.
Ayon sa reliable source, pinangunahan ni Sen. Imee Marcos, na kapartido ni Villar sa Nacionalista Party, ang pagkalap ng pirma sa mga senador para mapatalsik si Escudero bilang Senate president. Kailangan lang ng 13 senador para makapili ng lider ng Senado.
Nabatid na ang grupo ni Villar ay mayroon nang suporta ng 12 senador, habang ang iba pang mga senador ay hindi pa rin sigurado kung sino ang kanilang susuportahan.
Sinabi pa ng source na sa ngayon, si Villar ay may ‘solid backing’ ng 12 senador kabilang sina Marcos, ang magkapatid na Cayetano na si Alan Peter at Pia, Ronald de la Rosa, Francis Tolentino, Christopher Go, Robin Padilla, Ramon Revilla Jr., Loren Legarda, Miguel Zubiri, anak ni Villar na si Mark, at si Villar mismo.
Bilang reelectionist senator ng administrasyon sa darating na May 2025 elections, si Marcos at Sen. Pia Cayetano ay tumatakbo rin sa ilalim ng NP kasama ang anak ni Villar na si Rep. Camille Villar.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang Senado ay may tanging kapangyarihan na litisin at pagdesisyunan ang lahat ng kaso ng impeachment. Ang mga mambabatas ng Mataas na Kapulungan ang tatayong hukom dito.
Kung sakali raw makarating sa Senado ang impeachment case laban kay Duterte ngayong darating na linggo, dapat daw ang maupo sa impeachment trial bilang hukom ay ang mga ‘loyal allies’ ng pamilya Duterte.