House panel kapos na sa oras sa impeachment vs VP Sara

Iniabot kay House Secretary General Reginald Velasco ang ikalawang impeachment complaint laban kay Vice Pres. Sara Duterte na isinampa ng nasa 75 kinatawan mula sa iba’t ibang grupo sa alegasyong corruption at maling paggamit ng confidential funds.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Aminado ang ilang mambabatas na medyo gahol na sa oras para maisulong ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y iregularidad sa paggasta ng P 612.5 milyong confidential funds.

Sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua nalalapit na ang Xmas break at ilang araw na lamang ang nalalabi sa sesyon sa plenaryo ng Kamara.

Samantalang sa pagbabalik ng sesyon sa Enero ay magiging abala na ang mga Kongresista sa paghahanda sa election campaign kaugnay ng gaganaping midterm elections sa bansa sa Mayo 2025.

Ang dalawang impeachment complaint laban kay VP Sara ay inihain  noong Lunes ng civil society groups at mga religious leaders na inindorso ni Kabayan Partylist Rep. Percie Cendaña habang nitong Miyerkules ay naghain din ng impeachment complaint ang mahigit 70 grupo kabilang ang mga guro at estudyante na inindorso naman ng Makabayan bloc ng Kamara.

Sinabi naman ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, Vice Chairman na mahigpitan ang timeline o palugit sa impeachment complaint kay VP Sara na hindi pa naire-refer sa House Committee on Justice.

“One of the issues nga is ‘yung kakulangan sa number of session days, we will be encountering kung daraan man sa ruta ng Committee on Justice,” giit nito na sinabing kailangan na itong maipadala sa panel sa loob ng 3 araw na sesyon.

Kapag nai-refer na sa nasabing panel ay bibigyan nito ng pagkakataon para maidetermina, ­isalang sa ebalwasyon kung sapat ang mga batayan para litisin ang Bise Presidente at matugunan ng komite sa loob naman ng 10 araw na timeline.

Nabatid pa na sa campaign drive o pangangalap ng lagda ay nasa mahigit 1 milyon ang palugit ng komite kung saan nangangailangan lamang ng 2/3 na boto mula sa mga mambabatas para maisulong ang pagpapatalsik sa ikalawang pinakamataas na lider sa bansa.

Show comments