MANILA, Philippines — Posibleng hindi na marekober ang bangkay ng America vlogger na si Elliot Eastman na dinukot, pinatay at itinapon ng kanyang mga kidnaper sa dagat.
Ayon sa Philippine National Police, aminado silang hirap silang matagpuan ang mga labi ni Eastman matapos na kumpirmahin ng isa sa mga suspek na itinapon na ang bangkay nito sa dagat ng Labuan, Zamboanga.
Binaril si Eastman sa katawan at hita nang tangkaing tumakas sa Sibuco town noong October 17, 2024.
Sinabi naman ni Police Regional Office 9 spokesperson Col. Ramoncelio Sawan, isa sa mga ikokonsidera sa paghahanap sa bangkay ni Eastman ay ang lawak at lalim ng dagat.
Simula Oktubre nang dukutin si Eastman, walang nakitang palatandaan ang mga awtoridad na buhay pa ang American vlogger.
“Right now po, it’s really hard to tell kung saan at kelan natin mahanap kung meron pa. Kasi po, yung pinaghulugan ng katawan niya is sabi nila, is far from the shoreline tapos the depth of the location aabot sa 900 meters tapos unfortunately nadaanan pa tayo ng recent series ng bagyo. Although mahirap, sinusubukan pa rin nilang hanapin,” ani Sawan.
Si Eastman, 26, ay dinukot sa kanilang bahay sa Barangay Poblacion, Sibuco, Zamboanga del Norte kung saan ito naninirahan kasama ang kanyang asawa.