NBI binalaan vloggers
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga vlogger na maaari silang managot sa batas oras na mapatunayan sa paggawa ng mga pahayag na nag-uudyok ng sedisyon at paninira.
Ang babala ay ginawa ni NBI Director Jaime Santiago bilang paalala sa publiko laluna sa mga vlogger dahil hindi anya absolute o walang limitasyon ang karapatan sa freedom of expression ng bawat mamamayan.
“Gusto ko paalalahanan ang ating mga mamamayan, lalo na ‘yung mga vloggers, na ang ating mga right sa freedom of expression ay hindi po absolute, mayroon pong ano ‘yan limitation,” NBI Director Jaime Santiago said on Super Radyo dzBB.
Ayon kay Santiago, maaaring imbestigahan at kasuhan ang sinumang mag-uudyok ng sedisyon at sobrang paninira nang walang pinagbabatayan.
“Like, for example, ay nag-i-incite ka na ng sedition or masyado nang paninira ‘yung ginagawa mo, wala ka namang basis, eh, puwe-puwede natin ‘yang anuhan, imbestigahan at maaari silang makasuhan,”.
Maaari rin anyang kasuhan ito ng cyber libel case kung minumura o sinisiraan ng mga vlogger ang mga government officials.
Anya dapat maghinay-hinay ang sinuman sa mga pahayag laluna kung hindi verified at walang basehan.