MANILA, Philippines — Patuloy na pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapaliban sa parliamentary election sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sana sa Mayo 2025.
Sa ambush interview sa Lingayen, Pangasinan, sinabi ng Pangulo na maraming implikasyon ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) na naghiwalay sa probinsya ng Sulu sa BARMM.
“Well” we are still studying it. Some of the local officials are saying because the Supreme Court decision of separating Sulu from BARMM. maraming implications in terms of the changes of the delay. kung kaya natin. Baka hindi nating kayang gawin by May of next year,” pahayag ng Pangulo.
Kabilang sa mga tinukoy na problema ay ang mga distrito na nawalan ng kongresista at walang kinabibilangang probinsya, at mga munisipalidad na walang distrito at wala ring probinsya.
Dahil umano sa pag-aalis ng Sulu sa BARMM, kailangang palitan ang batas kaya’t tatrabahuhin ng Bangsamoro Transition Authority ang bagong sistema sa bagong administrative code, local government code, at electoral code.
Ayon kay Pangulong Marcos, sisikapin pa ring maisabay ang BARMM elections sa 2025 midterm elections, ngunit kung hindi ito kakayanin ay mainam nang maitama muna ang mga implikasyon sa halip na ito ay madaliin dahil posibleng magresulta lamang ito sa gulo.