Duterte sa ICC: ‘Bilisan nyo baka mamatay na ako!’

MANILA, Philippines — “Bilisan ninyo baka mamatay na ako!”

Ito ang mariing hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na magtungo na sa Pilipinas at simulan na sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon kaugnay ng crimes against humanity o sa mga nangyaring Extra Judicial Killings (EJK) sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.

“I am asking the ICC to hurry up and if possible, if they can come here and start the investigation tomorrow (November 14),’, ayon kay Duterte nang matanong ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kung handa itong humarap at makipagkooperasyon sa imbestigasyon ng ICC hinggil sa pagkasawi ng maraming Pilipino kabilang na ang mga inosenteng sibilyan sa implementasyon ng drug war ng nakalipas nitong administrasyon mula Hulyo 2016 hanggang Mayo 2022.

“Baka mamatay na ako, hindi nila (ICC) ako maimbestigahan. That’s why I am asking the ICC through you na magpunta na sila dito,” tugon ng 79-anyos na si Duterte dahil matagal na aniya ang nasabing isyu.

Sa kuwestiyon naman ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, sinabi ni Duterte na bigyan siya ng pera at siya na mismo ang magtutungo sa ICC para sa imbestigasyon.

“Ako na mismo punta dun pero sabi ko ginawa ko para sa bayan, para sa mga anak natin, you never know the sacrifice of the parents, you never know the mystery, you never know the suffering of the parent,” ani Duterte na sinabing pinag-aral ang anak mula kinder, elementarya hanggang high school at pagdating ng college ay nabaliw sa droga kaya talaga papatayin niya ang mga drug lords.

Ayon kay Duterte handa niyang harapin kung anuman ang kahihinatnan ng imbestigasyon ng ICC at sakaling mapatunayan aniya na guilty siya ay handa siyang makulong at mabulok sa piitan.

Show comments