MANILA, Philippines — Ipinaabot ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng kamakailang mga insidente ng sunog sa ilang barangay sa Iloilo City.
Ito ay bilang pagpapatibay ng pagtupad sa pangako ng senador na tutulungan ang mamamayang nahaharap sa krisis at sa mga komunidad na nasalanta ng sakuna para muli silang makabangon.
“Alam kong mahirap ang mawalan ng tahanan, pero ang mahalaga ay buhay tayo at sama-sama tayong babangon. Ang bahay po, maaayos natin ‘yan, pero a lost life is a lost life forever. Ang importante, ligtas ang bawat isa at handa kaming tumulong sa abot ng aming makakaya,” ang mensahe ni Go sa mga nasunugan.
Idinaos sa Barangay Rizal Pala-Pala II Covered Gym, umaabot sa 96 apektadong residente ang nakatanggap ng mahahalagang suplay mula sa grupo ni Go, kinabibilangan ng grocery packs, meryenda, bitamina, kamiseta, basketball, at volleyballs. Namahagi rin ng sapatos at mobile phone sa ilang benepisyaryo.
Nagbigay rin ang National Housing Authority ng tulong sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito na unang itinaguyod at patuloy na sinusuportahan ni Go upang ang mga apektadong pamilya ay muling makapagtayo ng kanilang mga tahanan.
“Isinulong din natin na mabigyan sila ng NHA ng ayuda na pambili ng housing materials tulad ng pako, yero, at iba pa para maisaayos muli ang kanilang mga tirahan,” sabi ni Go.