Chief of Staff ni VP Sara sumibat na pa-US

Vice President Sara Duterte on June 19, 2024.
Photo courtesy of the Office of the Vice President

MANILA, Philippines — Tumakas na sa bansa ang Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte sa bisperas mismo ng pagpapatuloy ng pagdinig ng House quad comm sa hindi wastong paggamit ng P612.5 mil­yong confidential funds na umaabot sa P612.5 milyon na alokasyon ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).

Sa impormasyong nakalap ng House Committee on Good Government and Public Accountability o ang Blue Ribbon Committee ng Kamara, nabatid na si OVP Undersecretary Zuleika Lopez ay bumiyahe patungong Estados Unidos noong Lunes ng gabi.

Si Lopez ay isa sa pitong OVP officials na sinubpoena ng komite kaugnay ng umano’y iregu­laridad sa paggamit ng P500-M sa Confidential Intelligence Funds (CIFs) ng OVP sa taong 2022 at 2023. Nahaharap sa contempt si Lopez at anim pang opisyal ng OVP.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, Chairman ng komite, si Lopez ay dumaan sa Immigration counter sa NAIA Terminal 1 alas-7:31 ng gabi noong Lunes na sumakay ng Philippine Airlines flight PR 102 patungong Los Angeles, California dakong 10:25 ng gabi.

Una nang hiniling ni Chua sa Department of Justice (DOJ) na ilagay si Lopez at anim pang OVP officials  sa lookout bulletin kaugnay ng posibilidad na magsitakas na ang mga ito sa bansa.

Nitong Martes ay inisnab ng nalalabi pang opisyal ng OVP ang pagpapatuloy ng pagdinig ng panel ni Chua na binalaan ng mga itong mahaharap na sa contempt kapag hindi dumalo sa pagdinig.

Kabilang sa anim pang opisyal ay sina Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio, Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta, Chief Accountant ­Julieta Villadelrey at dating DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda gayundin si da­ting DepEd SDO Edward Fajarda.

Samantala inisyuhan din ng subpoena ang dalawa pang OVP officials na sina Budget Division Chief Edelyn Rabago at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido.

Show comments