MANILA, Philippines — Pinalalantad ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang may-ari at driver ng sports utility vehicle na may plate number 7 na pumasok sa exclusive bus lane at tinangka pang managasa ng isang babaeng traffic enforcer. Kinalampag din ni Escudero ang Land Transportation Office (LTO) para matukoy ang may-ari at gumagamit ng sasakyan.
“I urge the LTO to identify the owner-user of the vehicle and to inform the Senate as soon as possible,” ani Escudero.
Ang plakang number 7 ay ibinibigay sa mga senador. Wala pang senador ang umaamin na sa kanila ang puting SUV na Sequoia.
Sinabi ni Escudero na kung totoong miyembro ng Senado ang may-ari ng sasakyan, dapat utusan nito ang driver ng SUV na sumuko at humarap sa mga awtoridad.
Ipinaliwanag pa ni Escudero na sa kanyang pagkakaalam, bukod sa mga bus, ang tanging pinapayagan lamang na dumaan sa bus lane ay ang mga sasakyang may plakang “1” na ibinibigay sa Presidente ng bansa, plate number “2” para sa Bise Presidente, “3” sa Senate President at “4” sa House Speaker at “5” sa Chief Justice ng Supreme Court.
Inaalam pa ng LTO kung peke o hindi ang plakang number “7” na nakakabit sa SUV.
Binanggit din ni Escudero na ang protocol plate ng mga sasakyan ay ibinibigay sa “specific” na korte at hindi naman nakalagay sa memorandum circular kung sino ang dapat sakay nito.
Kalimitan din aniya ay ang mga senador ang nagre-request ng protocol plates ng sasakyan.