MANILA, Philippines — Kinumpirma ni dating senador Antonio Trillanes IV na naipadala na sa International Criminal Court (ICC) ang transcript ng Senate hearing kung saan nakapaloob ang testimonya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa “war on drugs” ng kanyang administrasyon.
Naniniwala si Trillanes na magagamit sa paglilitis ang mga isiniwalat ni Duterte hinggil sa drug war nito.
“The pertinent Quad Comm transcripts were transmitted early on and all were duly received. Lahat ng ito ay magagamit sa trial later on,” dagdag ni Trillanes.
Matatandaan na inamin ni Duterte sa pagdinig ang pagpatay at pagbuo ng death squad sa Davao.
Samantala, aminado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na maaaring magamit laban kay Duterte ang ginawa niyang pag-amin sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee tungkol sa pagkakaroon ng death squad.
Sinabi rin ni Dela Rosa na nasa dating Pangulo na lang kung paano dedepensahan ang kanyang sarili sa posibleng kasong isasampa laban sa kanya.
“Pwedeng magamit ‘yan against him lalo na under oath siya di ba nagsalita siya doon. Depende na lang sa kanya how he is going to defend himself kasi nga hinamon pa niya nag-iimbestiga na mag-file a case against him kung mayroong ebidenisya,” pahayag ni Dela Rosa.
Hindi naman nila masabihan sa pananalita si Duterte dahil natural na sa kanya ang ganoong pagsasalita.
“That’s how he is, that’s how he speaks, ganun talaga ugali niya nobody can control him, kahit sabihan mo siya,” ani Dela Rosa.