MANILA, Philippines — Sa harap ng lumalaking pangangailangan sa kuryente at iba pang isyu ukol sa kalikasan, pinag-aaralan ng pamahalaan kung paano palalawakin ang mga pinagkukunan ng enerhiya upang mapanatili ang seguridad sa kuryente.
Isa ang nuclear energy sa mga tinitingnang low-carbon at maaasahang energy source. Inanunsyo ng pamahalaan kamakailan na pag-aaralan na ang muling pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Sa tulong ng mga internasyonal na eksperto, tinitingnan din ang pagkakaroon ng makabagong Nuclear Energy Program (NEP).
Sa ilalim ng Executive Order No. 164 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 28, 2022, nagkaroon ng pambansang posisyon para sa NEP bilang pagpapahayag ng desisyon ng gobyerno upang bigyang konsiderasyon ang nuclear power bilang isa mga pinagkukunan ng enerhiya.
Ang EO ang naging tulay para sa pagbuo ng NEP-Inter-Agency Committee (IAC) sa pangunguna ng Department of Energy upang isakatuparan ang NEP alinsunod sa mga pamantayang internasyonal na itinakda ng International Atomic Energy Agency (IAEA), ang nuclear regulator ng United Nations.
Kasalukuyang ipinagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano ni Duterte na isulong ang estratehiya tungo sa pagtatayo ng mga nuclear power plant upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente at mabawasan ang carbon emissions ng bansa.
Sa ilalim ng Philippine Energy Plan, target na magkaroon ng 1,200 megawatts (MW) ng nuclear capacity ang bansa pagsapit ng 2032. Madaragdagan pa ito ng 2,400 MW sa 2035 at magiging 4,800 MW sa taong 2050.
Suportado ng Manila Electric Co. (Meralco) ang mga hakbang ng gobyerno na magsagawa ng pag-aaral para sa posibleng pagpapatakbo ng mga nuclear power plant sa bansa. Kasabay nito, sinisikap din ng Meralco na palalimin ang kaalaman sa nuclear energy sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga eksperto upang palakasin ang suplay ng kuryente at makamit ang pangmatagalang seguridad sa enerhiya.
Sa ngayon, nagsasagawa ang Meralco ng feasibility study katuwang ang Ultra Safe Nuclear Corp., isang US-based firm, para sa posibleng deployment ng isa o higit pang micro-modular reactor (MMR) energy systems sa bansa.
Bukod dito, nagsusulong din ang Meralco ng mga inisyatiba kabilang ang pagpapalitan ng kaalaman, pagpapahusay ng kakayahan, at pormal na edukasyon sa larangan ng nuclear engineering. Ngayong taon, magpapadala ang power distributor ng mga scholar sa mga institusyon ng nuclear engineering sa Estados Unidos at Tsina.
Mga bagong kolaborasyon
Upang pangunahan ang pag-develop ng nuclear energy sa pribadong sektor, nakipagtulungan ang Meralco sa Doosan Enerbility Co., Ltd. at Samsung C&T Corporation Engineering & Construction Group.
Lumagda ang power distributor ng magkahiwaly na kasunduan sa dalawang kumpanya kasabay ng The Philippines-Korea Business Forum sa Maynila, na bahag ng state visit ni South Korean President Yoon Suk Yeol.
Ayon kay Meralco Chairman at Chief Executive Officer Manuel V. Pangilinan, nangangako ang Meralco ng buong suporta sa mga hakbang ng gobyerno para makamit ang seguridad sa enerhiya at pagpapago ng ekonomiya. Dagdag pa niya, naayon ang pakikipagtulungan sa mga respetadong institusyon tulad ng Doosan at Samsung sa layunin ng kumpanya na patuloy na magkaroon ng mga makabagong solusyon tungo sa pagkakaroon ng sapat, abot-kaya at maaasahang kuryente para sa mga layunin ng bansa.
Nakatuon ang memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Meralco at Doosan sa ilang pangunahing inisyatiba, kabilang ang posibleng pag-deploy ng mga pasilidad ng nuclear power sa bansa, tulad ng rehabilitasyon ng BNPP at paggamit ng mga small modular reactor (SMRs).
Para kay Doosan Enerbility Vice Chairman Yeonin Jung, mahalaga ang pakikipagtulungang ito ng Meralco tungo sa pagsusulong ng innovation at sustainability ng enerhiya sa Pilipinas.
Mag-aambag ang kolaborasyon sa modernisasyon ng imprastruktura ng enerhiya at makatutulong sa pagtiyak ng isang matatag at pangmatagalang suplay ng malinis at maaasahang kuryente.
Samantala, sa ilalim ng MOU ng Meralco at Samsung C&T na isulong ang paggamit ng mga proyektong magbabahaginan ang dalawang kumpanya ng teknikal na disenyo at kakayahan kaugnay ng nuclear technology.
Sakop din ng kolaborasyon ang pag-aaral ng mga umiiral na regulasyon, energy landscape at mga kinakailangang imprastruktura ng grid. Titingnan din ang posibilidad ng pilot demonstration project at iba pang oportunidad sa pag-develop ng mga nuclear power plant.
Sa pamamagitan kasunduang, makakakuha ang Meralco ng malalim na pag-unawa sa mga kritikal na aspeto ng pagpapalawig ng nuclear energy upang matiyak na ang mga desisyong kakaharapin ay batay sa tamang impormasyon at naaayon sa mga pinakamahusay na pag-aaral, ani Meralco Executive Vice President and Chief Operating Officer Ronnie L. Aperocho.
Kilala ang Samsung C&T bilang international construction company na may malalim na kaalaman sa nuclear energy. Plano nitong maibahagi ang kanilang expertiser sa konstruksyon ng mga malalaking nuclear power plant project at SMR projects sa Pilipinas.
Nagpapatibay ang inisyatiba ng Meralco sa nagkaisang adhikain ng Pilipinas at South Korea tungo sa pagkakaroon sustainable development at seguridad sa enerhiya.
Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente at isang pangunahingmanlalaro sa industriya ng enerhiya, pinangunahan ng Meralco ang pribadong sektor sa pagsusulong ng nuclear energy sa bansa na maaaring makatulong para matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa enerhiya at mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng industriya.
Editor's Note: This press release for Meralco is not covered by Philstar.com's editorial guidelines