MANILA, Philippines — Pinangunahan kahapon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang paghahanda para sa malawakang relief operations ng Kamara para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Kristine.
Bahagi nito ang mabilis na paglalabas ng nasa P390 milyong tulong pinansyal na ipapamahagi sa may 22 distrito sa Bicol Region, Eastern Visayas, MIMAROPA at apat na party-list representatives na apektado ng bagyo.
“Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Marcos: walang pamilyang Pilipino ang maiiwan sa pagtulong ng pamahalaan sa mga nasalanta ng bagyong Kristine. Ito ang pangako natin sa sambayanang Pilipino, lalo na doon sa mga matindi ang naranasan sa kalamidad na ito,” sabi ni Speaker Romualdez.
Ayon naman kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, naghahanda na rin ang Office of the Speaker at Tingog Party-list ng 2,500 relief packs kada kinatawan o katumbas ng kabuuang 62,500 na relief goods na nagkakahalaga ng higit P21 milyon na siyang ipapamahagi sa mga pamilyang nasalanta ng bagyong Kristine.
Paliwanag ni Gabonada na pagkakalooban ang bawat distrito na apektado ng bagyo ng P15 milyon tulong pinansyal mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng pamumuno ni Sec. Rex Gatchalian.
Inaasahan na maipamahagi ito sa mga benepisyaryo sa mga susunod na araw.