MANILA, Philippines — Sa gitna ng mga pag-uusap para sa pagpasa sa isang panukalang batas, muling binigyang-diin ng mga security expert ang banta ng foreign cyber entities sa plano ng bansa na luwagan ang telco regulations.
Sa katatapos na Asian Defense and Security Exhibition 2024, nagpaalala si Stratbase ADR Institute president Prof. Dindo Manhit na ang "pinalakas na depensa laban sa cyber threats ay pinakamahalagang elemento sa pagsasakatuparan ng mapayapa, ligtas, at matatag na Indo-Pacific."
“Cybersecurity is a shared concern and responsibility by both the private and the public sector, as well as domestic and international players because it has the potential to affect regional stability, security, and prosperity," pahayag ni Manhit sa naturang event.
Isang aspeto ng cybersecurity na nakikilala sa Philippine digital space ay ang Konektadong Pinoy Act, o ang Senate Bill 2699, kung saan sinabi ng mga stakeholder na ang bill ay magkakaroon ng mas maraming negatibong epekto kaysa positibo kapag naisabatas.
Kapag naging batas, aalisin ng SB2699 ang pangangailangan para sa congressional franchise ng telecommunication companies, na ayon kay Manhit ay magpapaliit sa regulatory powers ng National Telecommunications Commission.
Si Manhit ay isang vocal critic ng Konektadong Pinoy Act. Iginiit niya na ang SB2699 ay maaaring maging gateway para sa mga abuser dahil layunin ng batas na dagdagan ang telecommunication companies sa bansa habang niluluwagan ang kanilang restrictions.
Ayon sa cyber intelligence company CYFIRMA, ang Pilipinas ay pangunahing target para sa cyber espionage activities dahil sa kawalan ng cybersecurity awareness at underdeveloped cybersecurity infrastructure, lalo na sa harap ng umiigting na tensiyon sa rehiyon.
Dagdag pa ni Manhit, dapat isulong ng Pilipinas ang cyber diplomacy sa ibang mga bansa upang makatulong na mapalakas ang cyber security ng bansa.
"The Philippines must pursue cyber diplomacy with like-minded countries and develop cybersecurity partnerships to expand its foreign policy strategy and deepen diplomatic engagement. Fortified defense against cyber threats is a key element in realizing a peaceful, secure, and stable Indo-Pacific,” aniya.
Ang Konektadong Pinoy Act ay kasalukuyang nakahain sa Senado at naghihintay ng karagdagang deliberasyon at aksiyon.