MANILA, Philippines — Ikinagalak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkakabati nila ni dating Vice President Leni Robredo.
Ito ang sinabi ng Pangulo matapos ang batian at kamayan nila ni Robredo sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Complex nitong Huwebes.
Ang dalawa ay nagkabati matapos imbitahan ni Senate President Chiz Escudero si Robredo na pangunahan ang pag-welcome kay Pangulong Marcos sa Sorsogon.
Sa talumpati sa ceremonial signing ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act sa Palasyo ng Malakanyang, pinasalamatan ni Pangulong Marcos si Escudero na gumawa ng napakaimportanteng hakbang para mangyari ang political reconciliation.
Ayon sa Pangulo, “well done” ang ginawa ni Escudero at nakatutuwa na naayos na ang relasyon nila ni Robredo.
Matatandaan na nagkalaban sa pulitika sina Pangulong Marcos at Robredonang parehong kumandidatong vice president noong 2016 kung saan tinalo ni Robredo si Pangulong Marcos sa vice presidential race.
Muling nagkatunggali ang dalawa noong 2022 presidential elections at tinalo naman ni Pangulong Marcos si Robredo sa presidential race.