MANILA, Philippines — Inianunsiyo ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na may tig-P150,000 cash assistance na naghihintay para sa bawat OFW na uuwi sa bansa mula sa Lebanon, kahit pansamantala lang dahil sa giyera doon.
Ayon kay Tulfo, ito ang kanyang napag-alaman matapos ang ginawa niyang pakikipagpulong kamakailan sa mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sinabi ng mambabatas na nakipag-usap siya kay OWWA Administrator Arnel Ignacio upang malaman ng pamunuan ng Kongreso, sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang estado ng repatriation o pagpapauwi ng mga Pinoy na naiipit sa giyera sa Lebanon.
“Base sa briefing na ibinigay sa atin ni Admin. Ignacio, may 11,000 pa raw na mga Pinoy ang nasa Lebanon,” ayon kay Cong. Tulfo.
“Umuwi sila sa bansa kahit pansamantala lang at pahupain ang gulo doon para sa kanilang kaligtasan na rin,” pahayag naman ni Administrator Ignacio.
Bukod sa pamasahe ay magbibigay ang DMW ng P75,000 at 75,000 din sa OWWA na ang total ay P150,000 na cash ang naghihintay sa kanila pagdating nila sa Pilipinas.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Tulfo na mahigpit na binabantayan ng Kongreso ang mga kaganapan hindi lang sa Lebanon kundi sa Israel at Iran na rin.
Ayon kay Tulfo, “May instruction po si Speaker Romualdez sa Appropriations Committee na maghanda na maglaan ng additional budget kung kinakailangan ng DMW at OWWA ng additional funds hindi lang sa Lebanon repatriation kundi sa iba pang bansa na may gulo sa Middle East.”