MANILA, Philippines — Asahan na ang pagbaba sa presyo ng bigas pagsapit ng Enero 2025.
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay base sa patuloy na pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Southeast Asia.
“Doon sa rice mukha namang sumusunod dun sa projections natin sa rice prices. And it seems to be consistent again with the same experience of other ASEAN countries like Thailand and Vietnam,” pahayag ni Pangulong Marcos sa sectoral meeting ukol sa food at non-food inflation.
Sa pulong balitaan naman sa Malakanyang, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na nasa P5 hanggang P7 ang ibaba ng presyo ng bigas pagsapit ng Enero 2025.
Pahayag pa ni Tiu, sa kanilang pagtaya sa kalagitnaan ng Oktubre ay unti-unti ng bababa ang presyo ng bigas hanggang sa maramdaman ito sa Enero 2025 dahil marami pa ang stocks na nabili subalit paubos.
Isang problema lang aniya ay maraming nabili na local palay sa mataas na halaga na P30 kada kilo mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon na marami pa ang stock, subalit posible rin aniya na maubos na ito sa Nobyembre.
“So, we should see a lowering of—because of the lower duties, saka bumaba din ng kaunti ang international price ng bigas, so pababa na iyan. But the full effects, para sa akin, P5.00 to P7.00 ang range, so, I will put it at P5.00 na dapat bumaba, kung P52 ngayon ang bigas, dapat by January nasa P48 na lang iyan, kung P50 ang bigas ngayon, P45 dapat iyan by January, iyan ang aking estimates,” paliwanag pa ni Laurel.