MANILA, Philippines — “Huwag kayong kampante sa komportableng detention facility n’yo sa Metro Manila!”
Ito ang babala ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino kina Alice at Shiela Guo sa patuloy nilang paggiit na sumakay sila sa yate at mga barko para makapuslit ng bansa at matakasan ang mga awtoridad.
Ayon kay Tolentino, isang abogado at law professor, maaaring kasuhan ng gobyerno ang mga Guo ng ‘continuing offense’ sa alinmang korte na may hurisdiksyon sa mga lugar na kanilang dinaanan palabas ng Pilipinas patungo sa Indonesia, kung saan sila naaresto.
Sa pagdinig ng Senado sa mga iligal na aktibidad na iniuugnay sa Guos, inusisa ng senador si Department of Justice (DOJ) Prosecutor Isser Josef Gatdula sa posibilidad na kasuhan ang dalawa ng ‘continuing offense.’
“Kung sakaling totoo itong sinasabi nila, at ang kaso doon ay ang paglabag sa summons na inisyu ng Senado, sang-ayon ka ba sa akin na maaari itong ituring na ‘continuing offense’?” tanong ni Tolentino kay Gatdula.
Bilang sagot, sumang-ayon si Gatdula sa senador.
Paliwanag ni Tolentino: “Nakapaloob sa continuing offense kung saan ito nagsimula, saan nagpatuloy, at saan nagtapos. So kung tama ‘yung sinasabi nila na sumakay sa yate, sumakay sa barko, lumipat, saan mang hurisdiksyon sila dumaan para tumakas, ay maaaring akuin ng lokal na korte ang hurisdiksyong iyon?”
Muli ay sumang-ayon si Gatdula sa senador.
“Ibig sabihin, ‘pag patuloy pa rin ‘yun kanilang pagmamatigas na sinasabing doon sila sumakay... walang makakapigil sa DOJ sa pagsasampa ng naaangkop na kaso sa isang venue na bahagi ng kanilang escape route,” pagpapatuloy ng senador. “So possible na doon n’yo i-file ang isang kaso, sa Sulu o sa Tawi-Tawi?”
“Opo, your honor, posible po yun,” tugon ng prosecutor.
Sa puntong ito ay tinanong ni Tolentino si Alice Guo: “Narinig mo po yung tanong ko? So payag kayo na makulong sa detention facility, mafile-an ng kaso sa RTC ng Sulu o Tawi-Tawi? Malayo na ito, mahihirapan na ang abogado mong pumunta roon. Okay lang sa iyo?
Sagot ni Alice Guo: “Wag naman po sana.”
“Kaya gusto namin magsabi ka ng totoo,” ang balik ng senador, habang nagbabala sa mga Guo na huwag maging kampante at komportable sa kanilang kasalukuyang detention facility sa Metro Manila.