MANILA, Philippines — Binalaan nitong Lunes ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang mga opisyal ng gobyerno na pananagutin sa batas kapag nasangkot sa pagwawaldas ng public funds.
Ginawa ni Romualdez ang babala kaugnay ng pagsisimula ng deliberasyon at debate sa plenaryo ng Kamara sa P6.352 trilyong national budget oara sa 2025.
Sinabi ni Romualdez na hindi kukunsintihin ng liderato ng Kamara ang mga ipokrita, pag-iwas sa pagpapaliwanag kung paano ginasta ang pondo ng bayan at maging ang hindi tama at iregularidad sa paggamit nito lalo na at nasilip o sinita ito ng Commission on Audit (COA).
“The House would take a zero-tolerance approach toward those who undermine accountability while conveniently ignoring their own malfeasance. We cannot ignore the reality that there are those who seek to undermine our work — critics who speak of accountability while conveniently ignoring their own misuse of public funds,” mariing pahayag ni Romualdez.
“To these individuals, I say, let us be clear: this chamber will not tolerate hypocrisy, nor will it stand idle in the face of such blatant disregard for public trust,” saad pa niya.
Binigyang diin ni Romualdez na hindi maaaring magturo ng daliri ang may sariling kasalanan dahil sa harap ng Kongreso lahat ay daraan sa tamang proseso, at walang makakatakas sa pananagutan kung saan kailangan ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Anya, pinanatili ng Kamara ang prinsipyo ng transparency at accountability at tinitiyak na ang bawat gastusin ng gobyerno sa mga tanggapan nito ay mabubusisi ng maayos at dapat nakalinya sa pambansang prayoridad.
Dagdag pa niya na ang public funds ay kailangang gamitin para sa kapakanan ng mamamayan at hindi para magpayaman sa pansariling interes.