MANILA, Philippines — Idineklara kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang Setyembre 3, 2024, bilang National Day of Mourning o Pambansang Araw ng Pagluluksa dahil sa pagpanaw ng Manlilikha ng Bayan na si Federico Caballero.
Sa Proclamation No. 678 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi nito na ang pagpanaw ni Caballero ay isang malaking kawalan sa ating bansa, at nararapat lamang na kilalanin ang kanyang natatanging dedikasyon sa pagpapanatili ng pamana at sining ng Panay Bukidnon sa Iloilo.
Dahil dito kaya sa bisa ng proklamasyon ni PBBM, ang watawat ng Pilipinas ay naka-half mast mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito sa lahat ng gusali at pasilidad ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa kahapon Setyembre 3, 2024.
Si Caballero na taga-Panay Bukidnon community sa Calinog, Iloilo, ay kinilala bilang Manlilikha ng Bayan noong taong 2000 dahil sa kanyang matinding dedikasyon sa pangangalaga at pagpapalaganap ng tradisyong Sugidanon ng kanilang komunidad.
Sang-ayon naman sa Republic Act No. 8491 o ang “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ang watawat ng Pilipinas ay dapat naka-half mast bilang tanda ng pagluluksa sa lahat ng mga gusali at lugar kung saan ito nakataas, sa araw ng libing ng isang tumanggap ng pambansang pagkilala at parangal.