MANILA, Philippines — Isang Low Pressure Area (LPA) ang nagbabanta na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Caraga, Davao de Oro at Davao Oriental.
Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ngayong unang araw ng Setyembre, malakas na pag-ulan ang mararanasan sa Eastern Visayas habang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Bicol Region at Dinagat Islands.
Sa Lunes, September 2 ay malakas na ulan din sa Catanduanes, Albay, Sorsogon at Northern Samar habang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Bicol Region at southern portion ng Quezon.
Katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan din ang mararanasan sa Palawan, Occidental Mindoro at Antique dulot ng habagat.
Bunga nito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa naturang mga lugar at mag-ingat at ugaliing mapagmasid sa paligid upang makaiwas sa posibleng flashfloods at landslides.