MANILA, Philippines — Napapanahon na para pulungin ang National Security Council (NSC) sa harap ng mas agresibong mga aksyon ng China, partikular sa pagwasak sa dalawang patrol ships ng Philippine Coast Guard matapos sadyang banggain ng mga barko ng Chinese Coast Guard sa Escoda Shoal noong Lunes, ayon kay Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino
Gayundin, nanindigan si Tolentino na dapat singilin ng kumpensasyon ng pamahalaan ng Pilipinas ang Tsina para sa mga pinsalang idinulot ng mga barko ng huli sa BRP Bagacay at BRP Cape Engaño.
“Dapat maghain na rin tayo ng claim para sa pinsala. Sa ilalim ng Part 15 ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), may responsibilidad ang may-ari ng barko, maging ito man ay state-owned o pribado, na panagutan ang nangyari,” dagdag nya.
“Uulitin ko rin yung panawagan ko kay Presidente na i-convene na ang NSC, dahil aggravated na ang aksyon na ito. Kung ico-convene po ‘yun, siguro ay mas focused na response ang pwedeng mangyari. Magsasalita at hihingan ng opinyon ang Coast Guard, Philippine Navy, at DFA. This [incident involves] one of the highest forms of aggravated maritime intentional allision and collision,” ayon pa sa senador, na pangunahing may akda at sponsor ng Philippine Maritime Zones Bill at Philippine Archipelagic Sea Lanes Bill.
Dapat aniyang ipakita ng Tsina na may sinseridad ito sa pakikipag-negosasyon sa Pilipinas lalo’t katatapos lang ng pag-uusap tungkol sa Ayungin Shoal, pero nangyari pa rin ito.