MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla na amiyendahan ang Republic Act 2777 o ang Anti-Rape Law upang mas pabigatin ang parusa at isama ang death penalty sa mga kasong may “aggravating circumstances.”
Sa Senate Bill 2777 na inihain nitong Lunes, nais matiyak ni Padilla na bukod sa mas mabigat na parusa, dapat ding maging “gender-responsive,” ang batas dahil parehong lalaki at babae ang nagiging biktima ng sexual assault.
Dagdag niya, may pag-aaral ang Council for the Welfare of Children at United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong 2017 kung saan mas maraming lalaki na edad 13 hanggang 24 ang nakaranas ng sexual violence kumpara sa babae.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, ang reclusion perpetua hanggang kamatayan ay ipapataw kung ang rape ay ginawa na gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao; ang biktima ay masiraan ng bait dahil sa nangyaring rape; may homicide na nangyari sa pagtangkang rape; ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating or qualifying circumstances” sa artikulo.