MANILA, Philippines — Personal na igagawad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Presidentiql Medal of Merit kay two-timer 2024 Paris Olympic gold medalist Carlos Yulo.
Sinabi ni Reichel Quinones, chief ng Presidential Protocol, isang hero’s welcome ang ibibigay ni Pangulong Marcos sa 22 atleta na lumahok sa Olympics.
Habang bibigyan naman aniya ng Pangulo ng Presidential Citations sina Nesthy Petecio at Aira Villegas na kapwa nakapag-uwi ng bronze medals sa larangan ng boksing.
Sinabi ni Quinones, Presidential Citations din ang igagawad ni Pangulong Marcos sa 19 pang atleta na hindi nakapag-uwi ng medalya.
Dagdag pa niya, simple subalit makahulugan ang programang ibibigay ni Pangulong Marcos.
Ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Assistant Secretary Dale de Vera na may hiwalay na cash incentives si Pangulong Marcos sa lahat ng atleta na lumahok sa Olympics.
Bukod pa ito sa isinasaad sa Republic Act 10699 na nagbibigay ng P10 milyon sa gold medal, P5 milyon sa silver medal at P2 milyon sa bronze medal.
Darating sa bansa ang mga atleta ngayong araw ng 6:00 ng gabi sa pamamagitan ng chartered flight.
Tanging apat na miyembro ng pamilya sa bawat atleta ang papayagan na sumalubong sa airport dahil pinatitiyak ni Pangulong Marcos na private welcome lamang ito.
Agad na didiretso ang mga atleta sa Malakanyang kung saan sasalubungin sila ni Pangulong Marcos at ni First Lady Liza Marcos at agad na magtutungo sa Ceremonial Hall sa loob ng Malakanyang para sa awarding ceremony at dinner reception.
Kinabukasan Agosto 14, susunduin ang mga atleta sa tinutuluyang accommodation at dadalhin sa Aliw Theater sa Pasay City para sa isang motorcade patungo sa Rizal Memorial Complex.
Magsisimula ang 7.7 kilometrong parada ng alas-3 ng hapon mula sa Aliw Theater, kakaliwa sa Roxas Boulevard, kakanan sa P. Burgos at diretso sa Finance Road hanggang sa Taft Avenue, kakanan sa Quirino Avenue hanggang sa Adriatico Street at magtatapos sa Rizal Memorial Complex sa Manila.