MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo ang ilegal at mapanganib na aksyon na ginawa ng air force ng China sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, na naglalagay sa panganib sa buhay ng mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF).
Tinawag ng Presidential Communications Office (PCO) ang mga aksyon ng People’s Liberation Army-Air Force (PLAAF) noong Huwebes, Agosto 8 na “unjustified at illegal.”
“The President strongly condemns thea air incident in Bajo de Masinloc earlier this week, and stands by our brave men and women of the AFP, especially the Philippine Air Force,” pahayag ng PCO.
Ipinunto rin ng PCO na nasa sovereign airspace ang PAF aircraft nang maganap ang nangyari.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Sabado, dalawang sasakyang panghimpapawid ng PLAAF ang nagsagawa ng mga mapanganib na pagmaniobra at naghulog ng mga flare sa daanan ng isang NC-212i PAF propeller aircraft na nagsasagawa ng routine maritime patrol sa Scarborough noong Huwebes.
Bagaman at walang nasaktang tauhan ng PAF sa insidente, iginiit ni AFP chief General Romeo Brawner Jr. na nalagay sa panganib ang buhay ng mga tauhan ng PAF na nagsasagawa ng maritime security operations sa loob ng maritime zone ng Pilipinas.
Ang sasakyang panghimpapawid ng China ay gumambala rin sa lawful flight operation at lumabag sa internasyonal na batas sa kaligtasan ng aviation.
Sinabi ng AFP na naiulat na nito ang insidente sa Department of Foreign Affairs (DFA) at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.