MANILA, Philippines — Angat si incumbent Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa posibleng makakalaban niya sa 2025 local elections.
Ito ay batay sa inilabas ng RPMD Foundation Inc. (RPMD) pinakabagong “Boses ng Bayan” 2025 elections Malabon mayoral survey na isinagawa noong Hulyo 1-10, 2024.
Ang independiyente at hindi kinomisyon na survey na ito ay naglalayong magbigay din ng komprehensibong pagsusuri sa kalagayang pampulitika, lalo na sa inaasahang labanan sa halalan sa Malabon City 2025 elections.
Ayon sa predictive analytics mula sa survey, si incumbent Mayor Sandoval ay may malaking kalamangan, na may 57% na suporta ng botante na mas mataas kumpara sa kanyang mga kalaban na sina dating Mayor Lenlen Oreta III at Congresswoman Jaye Lacson-Noel, na nakakuha naman ng 21% at 20% ng boto, ayon sa pagkakasunod.
Sa kaso ni Mayor Sandoval, ang mataas na pagtitiwala ng kanyang mga nasasakupan, na may job performance rating na 90.3%, ay nagpapakita ng malakas na suporta para sa kanyang muling pagtakbo.
Samantala, ang numero ni Oreta ay nananatiling mababa at walang pagbabago, habang ang suporta para kay Congresswoman Lacson-Noel ay bumaba ng -3% mula sa nakaraang poll noong Marso 2024.
Ayon kay Dr. Paul Martinez, isang Global Affairs Analyst at Executive Director ng RPMD, sa pamamagitan ng pagbibigay ng maagang snapshot ng kalagayang pampulitika, layunin ng RPMD na gabayan ang mga botante at mga kandidato sa politika bago ang 2025 elections.