168 estudyante na-recruit ng NPA

MANILA, Philippines — Umabot na sa 168 estudyante ang na-recruit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) mula 2014 hanggang ngayon, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Humarap sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs si Colonel Randy Arceo, Directorate for Ope­rations ng PNP kung saan iniulat niya ang recruitment ng NPA na target ang mga estudyante.

Inimbestigahan ng komite na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang radikalisasyon at paghikayat ng NPA sa mga estudyante sa mga educational institution.

Sa 168 na-recruit, nasa 33 estudyante ang namatay sa operasyon, 42 ang ina­resto at 93 ang sumuko sa mga awtoridad.

Hindi kasama sa nasabing datos ang kasalukuyang missing o nawawalang mga estudyante.

Ipinakita rin ng PNP ang listahan ng mga eskuwelahan kung saan may mga na-recruit ng estudyante tulad ng Putian National High School sa Capiz, University of the Philippines-Diliman, Polytechnic University of the Philippines (PUP) Manila, UP Manila, UP Tacloban, UP Cebu, UP Clark, UP Mindanao, Dela Salle University, Bicol University at Ateneo de Davao.

Ayon pa sa PNP, 11 mag-aaral ang na-recruit na nasa elementary, 34 sa high school at 123 sa kolehiyo o unibersidad.

Show comments