MANILA, Philippines — Iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon ni Vice-president Sara Duterte na hindi tumanggap ng anumang posisyon sa gabinete.
Sa ambush interview ng media sa Pangulo sa Apayao, sinabi nitong nasa Bise Presidente na kung ayaw na nitong tumanggap ng ibang pwesto matapos magbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).
“Eh, okay, that’s her position,” ang maiksing sagot ng Pangulo sa mga mamamahayag.
Sinabi pa ng Presidente na kung ano ang pasya ni Duterte ay kanya itong tatanggapin.
Matatandaan na sinabi ni Duterte na hindi na siya tatanggap ng anumang posisyon sa ilalim ng Marcos administration dahil tututukan na muna niya ang kanyang trabaho bilang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Si Duterte ay nagbitiw bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) at agad itinalaga ng Pangulo si Sen. Sonny Angara kapalit ng bise presidente.