MANILA, Philippines — Binati ni House Ways and Means Chair Joey Sarte Salceda (Albay, 2nd district) si Pangulong Bongbong Marcos sa matagumpay na pagsisikap niyang i-host ng Pilipinas ang susunod na pulong ng Loss and Damage Fund (LDF) Board sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC).
“Malaki ang maitutulong nito sa Pilipinas na mapalapit sa mga pondong laan sa mga programang ‘climate change adaptation and mitigation,’” ayon kay Salceda na naging unang Ashanong co-chairman ng UN Green Climate Fund na ngayon ay tinagurian nang LDF. Inihalal siya sa naturang katungkulan ng 180 mga bansa noong 2013.
“Bilang dating delegado sa UNFCCC, kasama ng ibang mga ekspertong Pilipino, ipinaglaban namin ang prinsipyong ‘loss and damage’ ng ‘climate change’ at kung bakit kailangan itong bayaran,” sabi niya.
Ipinaliwanag ni Salceda na malubha ang mga kasiraan at pagkaluging dulot ng ‘climate change’ sa kabila ng mga pagsisikap na mapagaan ang mga epekto nito, na bunga ng mga kasalanan ng mga industriyalisado at mayayamang bansa.
“At dahil nga sa hindi ito maiwasan at tukoy naman ang pinagmumulan, ang prinsipyo ay dapat bayaran ng mayayamang bansa ang pasakit at hirap na ipinapatong nila sa mga bansang napapahirapan,” giit ni Salceda.
“Ang paghu-‘host sa pulong ng LDF Board ay nagbibigay sa atin ng plataporma upang mabigyang diin ang tindi ng mga problemang likha ng ‘climate change’ kaya may karapatan tayong humingi ng mabisa at sapat na aksiyon mula sa mayayamang ekonomiya na siyang nakikinabang sa ibinubuga nilang ‘carbon emissions’ sa mundo,” dagdag niya.