MANILA, Philippines — Ang “Lab for All” project ni First Lady Liza Araneta Marcos sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ay hindi lamang umano maghahatid ng libreng serbisyong pangkalusugan kundi magtatanim din sa isip ng mga mamamayan ng kahalagahan ng kalusugan.
Ito ang sinabi ni Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez kasabay ng kanyang papuri sa paglulunsad sa Tacloban City ng Lab for All caravan, na nangangahulugan ng Libreng Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat, noong Huwebes sa pangunguna ng Unang Ginang.
“Bukod sa libre o abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan na hatid ng Lab for All ni First Lady Liza Araneta Marcos, magde-develop din ito ng kultura sa mga Pilipino na pahalagahan ang ating kalusugan,” ani Rep. Romualdez, na naging saksi sa paglulunsad ng caravan kasama si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang health caravan ay sinundan ng distribusyon ng P4.2 milyong cash assistance sa ilalim ng TUPAD program ng DOLE na ginanap sa Leyte Normal University. Umabot sa 1,026 manggagawa ang nabigyan ng tig-P4,050 cash aid.
Ang Lab for All caravan ay nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, x-rays at gamot sa mga mahihirap na residente.
Binigyan-diin ni Rep. Yedda ang kahalagahan na maabot ng libreng health service ang mga nasa malalayong lugar.
“Nagpapasalamat ang TINGOG Partylist kay First Lady Liza Araneta Marcos sa inisyatibang ito. This is another program of the Marcos administration that directly helps the people,” dagdag pa ni Rep. Yedda, chairperson ng Committee on Accounts.