MANILA, Philippines — Pinagbabayad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng P60 milyon ang Chinese government para sa danyos na dinulot ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas noong Hunyo 17.
Nagkaroon ng banggaan ang Philippine Navy at CCG matapos harangin ng huli ang resupply mission ng puwersa ng pamahalaan sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinira ng CCG ang dalawang motorboats gayundin ang mga personal na gamit ng ilang Navy officers bukod pa sa pagkuha ng baril ng mga ito.
Pinapasoli rin ng AFP ang pitong baril na kinumpiska ng CCG.
“I demanded the return of seven firearms. ‘Yung pong mga baril na ‘yun ay kinuha ng mga Chinese Coast Guard na naka-box. Naka-box kasi ‘yung mga armas na ‘yun kaya dinampot na lang nila at sinira nila ‘yung ating mga kagamitan, when we estimated the cost of damage, it’s P60 million,” sabi ni AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr..
Ayon kay Brawner, dapat lang pagbayarin ang China sa danyos at abala na kanilang ginawa sa mga Navy officers.
“Sumulat na po ako sa ating [Defense secretary] so that my letter could be transmitted to the DFA for them to reach out to their counterparts in China... Illegal acts po itong mga ginawa nila so dapat managot sila, dapat panagutan nila,” ani Brawner.
Humihingi rin ang AFP ng reimbursement mula sa China para sa gastusin ni Navy officer Jeffrey Facundo, na naputulan ng daliri.
Posible ring obligahin ang China na malagyan ng bagong daliri si SN1 Facundo.
“But we are also looking into the possibility of charging them with the cost of restructuring the hand of SN1 Facundo kasi ooperahan po siya para bumalik ‘yung function ng kaniyang kamay,” dagdag pa ni Brawner.