MANILA, Philippines — Iginiit ng isang advocacy group ang kahalagahan ng mabuting nutrisyon sa mabilis na paggaling ng mga pasyente.
“Bukod sa maagang paggaling ng mga pasyente, napapababa rin ng mabuting nutrisyon ang mga gastos sa ospital,” ayon kay Alvin Manalansan, isang health and nutrition fellow sa Stratbase Institute at co-convenor ng UHCWatch, na binubuo ng mga patient groups at civil society organizations.
Isinusulong ni Manalansan ang pagpapatupad ng Nutrition Care Process (NCP) sa Pilipinas, upang mapalakas ang mabuting nutrisyon sa buong health care system ng bansa.
“Sa pagsunod sa mga guidelines, mas matutugunan ng mga healthcare providers ang mga pangangailangan sa nutrisyon ng mga pasyente,” dagdag ni Manalansan.
Binigyang-diin ni Virgith Buena, chairperson ng Board of Nutrition and Dietetics ng PRC, ang importanteng papel ng mga Registered Nutritionist-Dietitians (RNDs) sa pagkakaroon ng mga personalized food plans.
Nanawagan naman si Dr. Jose Rodolfo Dimaano Jr. ng Abbott Center for Malnutrition Solutions ng tunay na pakikipagtulungan sa hanay ng mga healthcare professionals upang matiyak ang matagumpay na implementasyon ng NCP.
Ipinaliwanag ni Dr. Gabrielle Ann Dela Paz-Tolang ng DOH Health Facility Development Bureau na dapat ituring ang NCP bilang isang investment upang mabawasan ang admission time at mga gastos sa ospital ng mga pasyente.