Bilyones na mga lupain ng Chinese ‘drug lords’ babawiin ng gobyerno

Sinabi ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang LRA at OSG ay ipinabatid ang kanilang commitment sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs.

MANILA, Philippines — Nakatakdang maghain ng forfeiture case sa korte ang Land Registration Authority (LRA) at Office of the Solicitor General (OSG) laban sa 320 lupaing de titulo na nagkakahalaga ng bilyong halaga at pag-aari umano ng hinihinalang Chinese drug lord na si Willie Ong at mga kasosyo nito sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sinabi ni Surigao del Sur 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ang LRA at OSG ay ipinabatid ang kanilang commitment sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs.

Sinabi ni Barbers na si Ong at mga kasosyo nito sa negosyo ay posibleng mga lehitimong Chinese nationals na nagpapanggap na mga Pinoy.

Ayon kay Barbers, si Ong at mga kasosyo nito na ilang beses pinadalhan ng subpoena pero patuloy na iniisnab ang komite ay may-ari ng Empire 999 Realty Corporation na rehistrado sa Security and Exchange Commission (SEC) ay siya rin umanong may-ari ng bodega sa Mexico, Pampanga kung saan nakumpiska ang nasa 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon noong Setyembre 2023.

Binigyang diin ni Barbers na ang hakbangin ng LRA at OSG ay naglalayong mapigilan sina Ong na ibenta at illegal na ilipat ang kanilang mga assets sa ibang tao na maaring kasabwat din ng mga ito.

Pinaniniwalaang nakatakas na sa bansa si Ong na may Chinese name na Cai Qime noong Oktubre 2023 gamit ang kaniyang tunay na Chinese passport.

Blangko rin ang mga awtoridad kung saan mahahanap ang mga kasosyo ni Ong na sina Aedi Tai Yang, Jack Tai Yang, Michelle Santos Sy, Elaine Chua at iba pa. Ang mga ito ay nag-aari ng 55% ng Empire 999 na isang paglabag sa batas sa limitasyong 60-40 equity para sa mga dayuhan.

Show comments