MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang umano’y wiretapping ng Chinese Embassy sa Maynila sa isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“We are looking into it because the fact of the matter is, there have been mentions of a tape that confirms that there was this agreement,” ani Marcos.
Sinabi ng Pangulo na maaga pa para gumawa ng anumang konklusyon hangga’t hindi niya naririnig ang recording ng umano’y wiretapping.
“It’s in the possession of the Chinese Embassy and the Chinese government. So, until they release it, it’s harder to believe and to accept that there was an agreement,” anang Pangulo.
Sinabi ng Department of Foreign Affairs at Department of Justice noong nakaraang linggo na tinitingnan nila ang mga umano’y ilegal na aktibidad ng mga dayuhang diplomat kasunod ng mga panawagan na imbestigahan ang mga posibleng paglabag ng China sa Anti-Wire Tapping Act at mga diplomatic protocol.
Ito ay matapos na ilabas ng Chinese Embassy sa Manila ang piling media recording at transcript ng isang unverified phone call sa pagitan ng Chinese diplomat at Vice Admiral Alberto Carlos, dating commander ng AFP-Western Command, sa tinatawag na “new model” arrangement sa Ayungin Shoal.
Nanindigan ang Pilipinas na hindi ito gumawa ng anumang kasunduan sa China tungkol sa Ayungin Shoal at idiniin na tanging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang maaaring magbigay ng awtorisasyon ng mga deal sa mga bagay na may kaugnayan sa West Philippine Sea at South China Sea.