MANILA, Philippines — Humarap kahapon sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs ang aktres na si Maricel Soriano kung saan inamin niya na siya ang dating may-ari ng condominium unit sa Makati City na iniuugnay sa umano’y aktibidad ng ilegal na droga mahigit isang dekada na ang nakararaan.
Bukod kay Soriano, iniuugnay din sa nag-leak na dokumento ng operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang ilang personalidad kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Unang-una po hindi ko ho alam ‘yung tungkol sa mga dokumento. Nalaman ko na lang ‘yan nu’ng pinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam,” ani Soriano nang tanungin tungkol sa sinasabing dokumento ng PDEA.
Sinabi rin ni Soriano na hindi malinaw sa kanya kung bakit siya inimbitahan ng Senado.
“Sa totoo lang po, hindi malinaw sa akin kung bakit ako naimbitahan sa hearing. Nagtataka lang po ako dahil lahat po ng tumestigo dito ay nagsabing hindi na-verify ang impormasyon ni Mr. Morales at walang imbestigasyon na naganap. Pasensya na po kung nalilito po talaga ako dito,” ani Soriano.
Ang tinutukoy ni Soriano ay si dating PDEA intelligence officer Jonathan Morales, na nauna nang tumestigo sa Senado na siya ang lumagda sa nag-leaked na dokumento na nag-uugnay sa ilang personalidad sa paggamit ng ilegal na droga.
Kinumpirma naman ng aktres ang pagmamay-ari ng condo unit sa Makati City.
Binanggit sa isa sa mga umano’y nag-leak na dokumento na isang grupo ng mga showbiz at mayayamang personalidad ang umano’y madalas na gumagamit ng ilegal na droga sa isang unit ng condo sa Makati City.
Gayunpaman, sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs, binanggit ng chairman nitong si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang ibang condo unit number nang tanungin niya si Soriano kung pagmamay-ari niya ito.
Sumagot ang aktres ng “oo” ngunit idinagdag na naibenta na niya ang ari-arian noong 2012.
Sinabi ni Dela Rosa na noong taon ding iyon ang umano’y nag-leak na pre-operation report at authority to operate na inilabas umano ng PDEA.
Pagkatapos ay hiniling niya sa aktres na ibigay ang eksaktong buwan na ibinenta niya ang ari-arian.
“Hindi ako sigurado tungkol sa buwan ngunit naaalala ko ang taon,” ani Soriano.