Substitution period ng mga kandidato sa 2025 elections iniklian ng Comelec

MANILA, Philippines — Mas maikling panahon na lang ang pahihintulutan ng Commission on Elections (Comelec) sa pag-withdraw ng Certificate of Candidacy, at ang paghahain ng mga kapalit na kandidato para sa halalan 2025.

Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa ginanap na Voter Education and Registration Fair briefing sa Guimaras State University nitong Biyernes na paraan ito upang maiwasan ng political groups na magsamantala at lokohin ang mga tao kung sino ang kanilang tunay na kandidato.

Maari lamang aniya na payagan ang substitution paglagpas ng Okt. 8 kung namatay ang nag­hain ng COC o diskwa­lipikadong tumakbo.

“Siguro mula October 1 to 8, ‘yan ‘yung filing ng candidacy, papayagan naming mag-withdraw ka, pwede ka pang palitan. Pero after ng 8, wala ng palitan ng candidacy. ‘Wag na nating pinagbobola sambayanan. Dapat kung sino ang kakandidato, harap-harapan na. I-file n’yo na ‘yung candidacy n’yo,  ‘wag na ‘yung kunwari naka-front ka sa ganyan, ‘yun pala ikaw ang kakandidato. After 8 baka hindi na natin payagan ang substitution…in the case of withdrawal pero pwede ang substitution , in case of death or disqualification,”ani Garcia.

Hanggang Oktubre 8 lamang ang tinitingnan ng Comelec para sa isang aspirant na maghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) bilang substitute candidate.

Noong 2022 elections, nakapagtala ang Comelec ng 10 substitute candidate at 15 ang nag-withdraw ng COC sa pagitanng Oktubre 9 hanggang Nobyembre 15.

Kabilang sa nagkaroon ng substitution ang kandidato ng Lakas-CMD na si Lyle Uy na umatras matapos magpasya si Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa pagka-bise presidente.

Noong 2016 nang  mag-withdraw naman si dating barangay chairman Martin Dino at kapalit bilang presidential aspirant si dating Pangu­lo, Rodrigo Duterte ng PDP-Laban.

Gayundin sina Senator Christopher Go na nag-withdraw ng kanyang COC bilang vice presidential bet, habang si Senator Ronald “Bato” dela Rosa  bilang presidential aspirant.

Sa senatorial slate, ang mga nag-withdraw ng kanilang COC ay ang broadcaster na si Noli de Castro na pinalitan ng abogadong si Jopet Sison at dating television reporter na si Paolo Capino na pinalitan ni da­ting PNP chief Guillermo Eleazar.

Show comments