MANILA, Philippines — Masayang inanunsyo ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman na sa unang buwan pa lamang ng kasalukuyang taon ay narelis na ng kanyang departamento - ang Department of Budget and Management - ang kabuuang P49.807 bilyon na badyet para sa pension ng ating mga indigent senior citizens.
Ayon kay Pangandaman, ito ay halos doble ng badyet ng mga nakaraang taon na umabot lamang ng P25 bilyon piso na alokasyon taun-taon.
Paliwanag ni Pangandaman, sa ilalim ng administrasyong Marcos, magiging doble na ang buwanang pension para sa mga mahihirap na seniors mula P500 ito ay magiging P1,000 na kada buwan.
Binigyang diin ni Pangandaman na tinatayang higit apat na milyon ang bilang ng mga indigent senior citizens na makikinabang dito.
Aniya, umaasa ang administrasyong Marcos na makatutulong kahit papaano ang karagdagang pension lalo na’t karamihan sa mga kapus-palad na seniors ay walang suportang natatanggap mula sa kanilang mga kaanak.
Sinabi pa ni Pangandaman na malaking tulong ang cash aid sa mga matatanda na wala namang inaasahan at walang regular pensyon na natatanggap para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.
Dagdag din ni Pangandaman na ang agarang pagrelis ng pondo ay tugon ng kanilang kagawaran sa mahigpit na bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na bigyang pagkalinga ang ating mga senior citizen.
Ayon pa kay Pangandaman, ang pagbibigay ng social pension sa mga indigent seniors ay nagtitiyak kahit paano na maibsan ang kanilang gutom at matiyak na hindi sila nababalewala o naabuso, bagkus ay natutugunan ang kanilang mga pangangailaangan.
Sambit pa ni Pangandaman na ito rin ay pagtugon sa adhikaing ‘Bagong Pilipinas’ ni Pangulong Marcos, Jr., kung saan tinitiyak ng pamahalaan na walang maliliit na mamamayang Pilipino ang maiiwanan at mapapabayaan.