MANILA, Philippines — Muling ikinasa ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang panibagong 3-day transport strike bilang protesta sa deadline ng franchise consolidation at public utility vehicle (PUV) modernization program.
Sa pulong balitaan, sinabi ni PISTON Deputy Secretary General Ruben Baylon ipakikita nila ang kanilang puwersang nationwide transport strike sa Abril 29 hanggang Mayo 1 na kasabay sa paggunita sa araw ng mga Manggagawa. Abril 15 nang magtransport strike ang PISTON matapos ang 2-day transport strike ng MANIBELA.
Ayon kay Baylon, patuloy ang pagsasawalang bahala ng administrasyong Marcos sa kanilang panawagan na ibasura ang sapilitang franchise consolidation na pahirap sa mga jeepney drivers at operators.
Ani Baylon, kailangan nilang gawin ito ipaglaban at hindi malagay sa alanganin ang kanilang kabuhayan sa sektor ng transportasyon.
Kabilang sa mga apektadong ruta ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Katipunan at Philcoa.
Tiniyak din ni Baylon na bibiyahe pa rin sila sa Mayo 1 sa kabila ng mga banta na huhulihin sila matapos ang deadline ng franchise consolidation sa Abril 30.
Aniya, karapatan ng mamamayang Pilipino na maglingkod sa sambayanan kaya walang makakapigil sa kanila na mamasada.
“Pagsapit pa talaga ng Mayo Uno, kung kailan dapat ginugunita at binibigyang-halaga ng pamahalaan ang ambag ng mga manggagawa sa pagpapaunlad ng lipunan, tsaka mawawalan ng kabuhayan ang mga tsuper at operator at magdurusa ang milyon-milyon pang manggagawa sa paglala ng sistema ng transportasyon sa bansa,” ani Baylon.
Nagpahayag naman ng suporta ang labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa ikakasang transport strike ng PISTON sa Lunes habang sa Mayo 1 magmamartsa naman ang mga ito mula University of Santo Tomas patungong US Embassy sa Roxas Boulevard.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala nang extension sa franchise consolidation at sa halip ay kailangan nang isagawa ito para sa pagsulong at pag-unlad ng bansa.