MANILA, Philippines — Kulang ang P610 kada araw na minimum wage sa Metro Manila para mabuhay nang "disente" ang pamilyang may limang miyembro sa rehiyon nitong Marso, ayon sa panibagong pag-aaral ng isang economic think tank.
Ito ang lumabas matapos ibahagi ng IBON Foundation, Miyerkules, ang kanilang estima sa "family living wage" sa National Capital Region (NCR) para sa buwan ng Marso 2024.
Related Stories
"A family of five in NCR should receieve a wage of Php 1,197/day or Php 26,033/month in order to live decently," wika ng IBON sa isang pahayag.
"The low wages and incomes of many Filipinos aren’t enough to keep up with the rising costs of basic goods and services."
Ibinase ng grupo ang kanilang computations mula sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NPWPC), Philippine Statistics Authority 2018 Family Income and Expenditures Survey at nakaraang March 2024 Inflation Report.
Ang P610/araw na minimum wage, na siyang naging epektibo noon pang ika-16 ng Hulyo, 2023, ang pinakamataas na sa buong Pilipinas. Ibig sabihin, mas mababa ito sa nalalabing bahagi ng Pilipinas.
82% wage gap sa Bangsamoro
Kung eestimahin ang layo ng NCR minimum na sahod sa NCR family living wage, lalabas na 49% ang wage gap. Ibig sabihin, P587 ang kulang para maabot ang family living wage sa Metro Manila.
Gayunpaman, sinasabing pinakamalayo ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa wage gap na 82%. Sinasabing kinakailangan ng paa ng P1,692 para maabot ang P2,053/araw na family living wage doon.
Nananatiling nasa P361/araw ang minimum na pasahod sa nasabing rehiyon sa Mindanao.
Matagal nang nananawagan ang mga progresibong grupo't Makabayan Bloc na madagdagan ng P720 ang arawang minimum na sahod sa buong bansa para maisara ang naturang wage gap.
Una nang nakalusot sa pagdinig ng Senado ang Senate Bill 2534 para maipasa ang isang P100 wage hike. Sa kabila nito, patuloy na tinututulan ng economic managers at business groups dahil sa banta ng "wage distortion" at diumano'y epekto nito sa inflation.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang maiulat na lumobo sa 3.7% ang inflation rate sa bansa nitong Marso, primarya dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain at gastusin sa transportasyon.