MANILA, Philippines — Binalaan ng PAGASA ang publiko na ang heat index sa Mayo ay maaaring maging “extreme danger,” dahil posibleng pumalo dito ang 52 degrees Celsius at pataas na init ng panahon.
Nitong Linggo ay nakapagtala ang La Union nang 46 degrees Celsius na init factor at patuloy na makakaranas ng mainit at maalinsangang panahon ang bansa ngayong Semana Santa.
Maaari namang makapagtala ng 42 degrees Celsius heat index sa Puerto Princesa at Aborlan, Palawan ngayong March 26, Martes.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Veronica Torres, ang mainit na temperatura ay mararanasan mula sa Miyerkules Santo hanggang sa magtapos ang linggong ito.
Sa Martes naman anya ay posibleng umulan sa silangang bahagi ng Southern Luzon laluna sa Bicol gayundin sa Eastern Visayas.
“The rest of the week, we expect hot and humid weather in Metro Manila and a big portion of the country,” dagdag ni Torres.
Payo nito na magdala ng payong o anumang pananggalang sa init kung lalabas ng bahay dahil ang mainit na panahon ay tatagal hanggang buwan ng Mayo o hanggang sa kalahating buwan ng Hunyo ngayong taon.
Noong March 19 naitala ang pinaka mataas na heat index sa La Union na 47 degrees Celsius.