MANILA, Philippines — Umpisa sa Lunes, Marso 25 ay matatanggap na ng mga senior citizens at Persons With Disabilities (PWDs) ang P500 discount bawat buwan sa mga pangunahing bilihin at kalakal.
Inanusyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na itataas ang senior citizens at PWD discounts sa mga grocery items at iba pang pangunahing pangangailangan sa P125 kada linggo o P500 kada buwan mula sa kasalukuyang P65 kada linggo.
Una nang pinulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang DTI, Department of Agriculture at Department of Energy na itaas ang discount para sa mga senior citizens at PWDs mula sa dating P65 ay gawin itong P500.
Ipinunto ni Romualdez na importante na mabigyan ng discounts ang mga senior citizens at PWDS sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng pagmahal ng presyo ng langis at iba pang mga produktong petrolyo.
Ayon naman kay Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na malaking tulong na rin ang P500 discount dahilan makakabili na ito ng mula 8 hanggang 10 kilo ng well-milled na bigas. Gayundin ng mga tableta at generic maintenance na mga gamot na tatagal hanggang 1-2 buwan.
“This P500 discount boosts the package of financial benefits from the national government, which already includes the P1,000 social pension for indigent seniors and the 20% seniors discount and exemption from the 12% VAT on many kinds of purchase,” sabi pa ng mambabatas.