MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagdiriwang ng Ramadan, inaprubahan ng Senado noong Martes (Marso 19) sa ikalawang pagbasa ang paglikha ng mga Shari’a court na binubuo ng tatlong karagdagang Shari’a District Courts at 12 Shari’a Circuit Courts.
Si Sen. Francis “Tol” Tolentino ang nag-isponsor at nagtanggol sa paglikha ng mga karagdagang Shari’a court sa ilalim ng Senate Bill 2594, Committee Report No. 2015.
Sinabi ni Tolentino na ang mga korte na ito ay magsisilbi sa lumalaking populasyon ng Muslim sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Limang Shari’a District Courts at 36 Shari’a Circuit Courts ang kasalukuyang matatagpuan sa BARMM.
Binanggit ng senador ang migration at immigration ng Filipino Muslims na dating nakakonsentra sa mga lugar ng Bangsamoro---ang Cotabato area at Zamboanga Peninsula---sa mga lugar na may populasyong Kristiyano tulad ng Metro Manila, Ilocos Region, Visayas, at sa Bicol Region bilang isa pang dahilan upang magdagdag ng mga korte ng Shari’a.
Ipinaliwanag ni Tolentino na ang mga korte ng Shari’a, ayon sa itinatadhana ng PD 1083, ay pinapayagan lamang tumanggap ng mga reklamo at duminig ng mga kaso sa ilalim ng mga personal na batas ng pananampalatayang Muslim.
“This would be limited to cases involving family relations and cases wherein the Islamic Law would be triggered---marriages, contracts involving a certain amount, petitions for custody, guardianship, paternity, legitimacy, petitions for the declaration of absence and debt, cancellation of correction of entries in the Muslim registries,” aniya na nagsasaad ng mga posibleng kaso na maaaring marinig ng mga korte ng Shari’a.
Ipinaliwanag pa ni Tolentino na ang mga Shari’a court, sa ilalim ng PD 1083, ay walang kinalaman sa mga kasong kriminal.