MANILA, Philippines — Wagi ng P12.93 milyong jackpot ang nag-iisang mananaya matapos tamaan ang nakaraang Lotto 6/42 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) habang iniimbestigahan sa Senado ang "anomalya" sa dami ng nanalo.
Nakuha ng naturang lotto winner ang sumusunod na kombinasyon ng mga numero nitong Martes: 18-27-07-14-11-09.
Related Stories
Hindi pa naman tinutukoy ng PCSO sa ngayon kung saang lungsod o probinsya nabili ang naturang winning ticket.
Bagama't aabot sa P12,938,209.60 ang kabuuang jackpot prize, hindi ito buong-buong makikita ng lucky winner dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Saklaw kasi ng 20% final tax ang mga lotto winnings na lalagpas sa P10,000.
Dapat makubra ang nasabing papremyo isang taon matapos ibola ang mga numero bago tuluyang mailipat sa charity fund ng PCSO.
Mahigit isang linggo pa lang ang nakalilipas nang ibulgar ni Sen. Raffy Tulfo na may isang mananaya ng lotto na "20 beses nanalo sa iisang buwan," bagay na ibinase raw niya sa listahang ibinigay mismo ng PCSO sa kanya.
Paliwanag ng PCSO, walang lotto bettor na 20 beses nanalo ng jackpot prize sa loob ng 30 araw. Gayunpaman, pwede raw na paulit-ulit mag-claim ng premyo ang iisang tao para sa lower tier games.
Una nang sinabi ni PCSO general manager Mel Robles na may mga karanasan daw sila kung saan ipinasasabay ng winners ang pagkuha ng papremyo sa mga nagpapatakbo ng lotto outlets. Nangyayari raw ito minsan dahil sa layo ng lugar kung saan pwedeng i-claim, o 'di kaya'y walang valid ID ang nananalo.
Kamakailan lang nang sabihin ni Tulfo sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement na may mananayang nanalo ng mahigit P600 milyon matapos "mamuhunan" ng P90 milyong halag ng taya sa tatlong magkakaibang outlets.