Promotion ng Army general tinabla ng CA

Nagsagawa ang Commission on Appointments (CA) ng committee hearing at plenary session sa ad interim appointments ng 130 generals at senior officers ng Armed Forces of the Philippines. Bigo namang makalusot sa kanyang promosyon si Army Brigadier Gen. Ranulfo Sevilla (unahan, ikalawa sa kaliwa) matapos harangin ng kanyang misis.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Hindi pinalusot ng makapangyaring Commission on Appointments (CA) ang promotion ng isang brigadier general matapos magreklamo ang kanyang legal na asawa na hindi nagbibigay ng financial support sa kanilang mga anak.

Na-bypassed ang kumpirmasyon ni Brigadier General Ranulfo Sevilla kaya babalik ito sa kanyang orihinal na ranggo bilang Colonel.

Tinutulan ng asawa ni Sevilla na si Tessa Luz Reyes-Sevilla ang promosyon ng opisyal dahil hindi ito nagbibigay ng tamang suporta sa kanilang mga anak.

Ayon kay Mrs. Sevilla, ang kanyang asawa ay nagbibigay lang ng P2,000 na hindi pa regular.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na pumayag si Sevilla na ilaan ang P50,000 mula sa kanyang suweldo bilang financial provision sa kanyang mga anak. Siya ay orihinal na nag-commit ng P30,000.

Sa pagdinig, nagbabala si Surigao del Norte Rep. Johnny Pimentel sa iba pang mga opisyal ng AFP na ang mga appointment ay isasalang sa kumpirmasyon na huwag maging playboy.

Samantala, inaprubahan naman ng CA ang promosyon ng 129 opisyal ng AFP.

Show comments