Bigyang respeto ang First Lady, lahat ng kababaihan

MANILA, Philippines — Kinondena ang napabalitang pambabastos kay First Lady Liza Marcos ng isang dating kongresista na aniya ay repleksyon ng maling pagtu­ring sa mga kababaihan.

“Respeto ang dapat nating ipinapakita sa mga kababaihan. Lahat tayo ay may nanay, at marami sa atin ang may asawa, at mga kapatid at anak na babae. Ang ating First Lady ay isang ina at maybahay. Papayag ba tayong gawin sa sarili nating nanay at asawa ang ganitong klase ng pambabastos?,” pahayag ni three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas.

Kamakailan ay naiulat ang pagbabanta ni dating Congressman Glenn Chong ng lone district of Biliran na sasampalin niya si FL Liza Marcos habang nasa rally ng mga supporter ni Apollo Quiboloy. Si Quiboloy ay kasalukuyang dawit sa isang imbestigasyon ng Senado.

“Nakakalungkot na ang pagbabanta sa First Lady ay ginawa pa sa mismong Women’s Month at galing pa mismo sa bibig ng isang da­ting miyembro ng Kongreso. Ang mga lingkod-bayan ang unang dapat magsilbing ehemplo ng integridad para sa marami nating kababayan,” ani Vargas.

Kasabay nito, sinuportahan ni Vargas ang pana­wagan ng ilang mambabatas na dapat ay mag-“public apology” si Chong.

Show comments