MANILA, Philippines — Muling nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng glutathione drip o injectable glutathione sa pagpapaputi ng balat, habang nagbabala rin ito na ang paggamit ng Vitamin C injection ay maaaring magdulot ng kidney stones.
Inihayag ito ng DOH kasunod na ng nag-viral na larawan ng showbiz personality na si Mariel Rodriguez habang nagpapa-drip sa loob ng tanggapan sa Senado ng kanyang asawang si Sen. Robin Padilla.
Unang napaulat na gluta drip ang ginagamit ng aktres ngunit malaunan ay nilinaw niya na Vitamin C lamang ito kasabay ng paghingi ng sorry.
Ayon sa DOH, mariin nilang tinututulan ang paggamit ng glutathione upang magpaputi ng balat.
Paliwanag nito, ang injectable glutathione ay aprubado lamang ng Food and Drug Administration (FDA) bilang adjunct treatment sa cisplatin chemotherapy at hindi para sa skin lightening.
Dagdag pa ng DOH, ang injectable glutathione ay minsang pinaparesan ng intravenous Vitamin C upang umano’y maging mas epektibo sa pagpapaputi.
Gayunman, ang Vitamin C injection ay maaaring mabuo bilang bato sa bato kung ang ihi ay acidic.